26 August 2006

Sa labas ng kahon

Huwag mo akong ikahon
Na parang regalong may takdang sukat at hubog

Huwag mo akong ituring na isang drowing
Isang tanawing di na magbabago at di maglalaho

Ako ay tubig na patuloy ang daloy
Kahit anong subok ay di madadakot

Huwag mo akong ituring na isang iskript
O karakter na maaring iguhit

Hindi ako maniquin o manikang papel
Na maaring lagyan ng label

Ako ay hanging umiihip at humahambalos
Na di maaring mayapos

Huwag mo akong
Isilid
Sukatin
Timbangin.

Huwag mo akong ikahon.

No comments: